LEGAZPI CITY – Desidido ang Israeli government na pulbusin na ang mga militanteng Hamas sa nagpapatuloy na missile at rocket attacks ng dalawang kampo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Malou Marigondon, OFW sa Tel Aviv, nagbigay ng public address si Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu na hindi ihihinto ang airstrikes hanggang sa maibalik ang kapayapaan.
Wala pang inaasahan na ceasefire sa ngayon dahil iniisip lamang aniya ang proteksyo ng mga mamamayan.
Dahil dito ay mas nahihirapan pa ang sitwasyon ng ilang Pilipino sa lugar.
Hindi aniya makalabas kaya karamihan ay natutulog na lamang sa bomb shelter, nagtatrabaho ng 24/7 at walang day-off habang pahirapan maging ang pagpapadala ng pera sa mga umaasang kapamilya sa Pilipinas.
Maituturing pa naman aniyang ligtas ang sitwasyon sa Tel Aviv subalit mas mapanganib para sa mga nasa northern at southern part ng Israel na sentro ng mga pag-atake.