CEBU CITY – Hiling ngayon ng ilang miyembro ng Filipino community sa Italy sa pamahalaan na i-repatriate sila sa gitna ng banta ng Coronavirus Disease (COVID-19) sa naturang bansa.
Batay sa ulat ng Bombo international correspondent na si Hadassa Joy Bermudez, halos limitado na ang mga aktibidad sa labas alinsunod sa umaakyat na bilang ng COVID-19 cases partikular na sa Lombardy region.
Ayon kay Bermudez, tubong Lapu-Lapu City at 10 taon nang nakatira sa Brescia City, limitado ang operasyon ng mga pubs at restaurants matapos na ipinatupad sa kanilang lugar ang city ordinance.
Sarado rin ang mga paaralan at limitado na rin ang isinagawang mga misa sa iba’t ibang mga simbahan sa nasabing lungsod.
Dagdag pa ni Bermudez na pumapasok pa rin sa trabaho ang ilan sa mga residente kahit na apektado ang Lombardy region sa nasabing virus.
Hiling ngayon ni Bermudez na gumawa ng hakbang ang pamahalaan ng Pilipinas upang mailigtas sila mula sa nakamamatay na coronavirus.
Sa kabila ng naturang banta, pinaalalahanan sila ng Italian health authorities na mag-ingat palagi.