Kinumpirma ng Embahada ng Pilipinas sa Doha, Qatar na may ilang mga Pilipino ang inaresto at ikinulong sa naturang Arab country dahil sa hindi awtorisadong pagsasagawa ng political demonstrations ngayong araw ng Biyernes, Marso 28.
Sa Isang statement, sinabi ng Embahada na nakikipag-ugnayan na ito sa mga lokal na awtoridad sa Qatar para magbigay ng kaukulang tulong para sa nasabing mga Pilipino.
Hindi naman binanggit ng Embahada kung may kinalaman ito sa malawakang protesta na isinagawa kasabay ng ika-80 kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw.
Muli namang ibinahagi ng Embahada ang nauna na nitong advisory para sa lahat ng mamamayang Pilipino na nasa Qatar na tumalima sa mga alituntunin at patakaran ng naturang bansa ukol sa pagdaraos ng mga pagpupulong at kilos protesta na may temang politikal.