BACOLOD CITY – Natatakot na umanong lumabas ng kanilang bahay ang ilang mga residente kabilang na ang mga Pinoy sa El Paso, Texas matapos ang mass shooting sa Cielo Vista Mall na ikinasawi ng 20 katao at ikinasugat naman ng 26 iba pa.
Sa panayam ng Star FM Bacolod kay Susanne Gonzales, Filipina teacher at naninirahan ngayon sa El Paso Texas, sinabi niyang ilang minuto lang bago siya makarating ng mall nang maganap ang pamamaril.
Nakita raw niya mismo ang dugoang katawan ng mga biktima.
Karamihan aniya sa mga namatay ay mga estudyanteng nagpa-fundraising lang sa labas ng mall.
Walang awa umano silang pinagbabaril ng suspect na si Patrick Crusius ng Allen, Texas bago ito pumasok ng Walmart store na puno ng mamimiling sinasamantala ang tax free weekend sale.
Saad pa ni Gonzales, kung napaaga umano siyang mag-grocery ay posibleng naging isa siya sa mga biktima.
Dahil sa trauma ay hindi aniya siya mapakali at piniling huwag na munang lumabas at magtrabaho katulad ng karamihang residente lalo na sa mga malapit lang sa pinangyarihan ng mass shooting.
Ayon kay Gonzales, wala naman umanong nadamay na Pinoy base sa monitoring ng Filipino community sa Texas.