DAVAO CITY – Marami rin umanong mga kababayang Pinoy na nasa The Netherlands ang nagpahayag na hindi sila pabor sa isasagawang pagdinig ng International Criminal Court (ICC) patungkol sa sinasabing extrajudicial killings sa bansa dahil sa war on drugs ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ulat mula sa The Netherlands ni Bombo international correspondent Bhong David, sinabi nito na maraming Pinoy rin sa nasbaing bansa ang nagsabi na dapat hindi na makialam pa ang ICC sa isasagawang imbestigasyon lalo na at gumagana naman umano ang batas sa Pilipinas.
Sinabi rin nito na mahigpit ang The Netherlands kung pag-uusapan ang kaso na may kaugnayan sa karapatang pantao dahilan kaya agad umano nilang iniimbestigahan kung may mga reklamo na isasampa sa kanila na kinasasangkutan ng mga matataas na opisyal sa gobyerno sa isang bansa.
Sinasabing nag-ugat ang reklamo matapos magsampa ng kaso si Atty. Jude Sabio, abogado ng mga witness sa sinasabing nangyaring extra judicial killings lalo na raw sa Davao City kung saan nasa likod umano nito ang tinaguriang Davao Death Squad (DDS).
Dagdag pa ni David, kilala ang Pangulong Duterte sa nasabing bansa dahil sa matalas na pananalita nito at sa marahas umano nitong war on drugs.
Ngunit marami pa rin sa mga kababayan sa The Netherlands ang hindi naniniwala sa nasabing alegasyon at ginagawa lamang umano ito para sirain ang kasalukuyang administrasyon.