GENERAL SANTOS CITY – Patuloy ang komunikasyon sa embahada ng Pilipinas sa Russia gayundin lalo na sa mga Pinoy sa Ukraine dahil sa tensyon ng dalawang bansa mula ng magsimulang lumabas ang balita na plano ng Moscow na atakihin ang kabisera na Kiev.
Ayon sa report ni Bombo international correspondent Cora Adajar sa Ukraine, nagsumite na sila ng pangalan sa embahada para malaman kung ilan ang nais umuwi ng Pilipinas para agad na masundo sa pamamagitan ng chartered flight.
Dagdag pa ni Adajar, normal ang sitwasyon sa Ukraine kahit may mga naglabasan na report na nakatakdang atakihin ito ng Russia.
Sinabi din nito na mariin nilang pinapanalangin na sana walang mangyaring kaguluhan dahil tiyak na maraming maapektuhan.
Pinaalalahanan din sila ng mga opisyal sa embaha na ihanda na ang kanilang mga passport at ibang pang dokumento at mga kagamitan na madaling madala kung sakali man na mangyari ang kinatatakutan na paglusob.
Sa sentro sa Kiev, wala umanong tensyon na nangyayari pero nakatanggap sila ng balita sa border ng Ukraine at Russia na nag-panic daw ang mga residente.
Samantala nagbigay ng dagdag na kalatas ang embahada na kung mas lumala pa ang sitwasyon at mawalan ng internet connection may isang lugar na dapat puntahan ng mga Pinoy para doon magsama-sama.
Sa kanyang pahayag, marami raw ang mga Pinoy ang ayaw umuwi sa Pilipinas dahil mawawalan sila ng trabaho oras na makabalik sila sa kani-kanilang mga pamilya.