BAGUIO CITY – Lalo pang nagdurusa ang ilang Pinoy workers sa Spain dahil sa nagpapatuloy na krisis na resulta ng COVID-19 pandemic.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Eva Tinaza, isang hotel receptionist sa Spain, sinabi niyang wala pa silang natatanggap na anumang tulong mula sa pamahalaan ng Spain at Pilipinas.
Aniya, sinubukan nitong pumunta sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Spain ngunit nakasara ang opisina at sa online isinasagawa ang mga transaksyon.
Inihayag niyang lubos na silang nahihirapan ngayon ng mga kapwa niya OFWs dahil “no work, no pay” ang mga ito.
Sinabi pa ni Tinaza, na wala na itong maipadalang pera sa kanyang pamilya dito sa Pilipinas.
Dahil dito, umaapela ang naturang OFW sa pamahalaan ng Pilipinas para mabigyan din ng tulong ang kanyang pamilya dito sa bansa.
Iginiit niyang lahat ng bansa ay apektado sa krisis at hindi dahil sa OFW ito ay mayroon pa rin itong perang ipapadala sa kanyang pamilya.
Sinabi niyang nahihirapan din ang mga OFWs at hindi sa lahat ng pagkakataon ay may pera ang mga ito.
Idinagdag ni Tinaza na mayroon ng mga OFWs sa Spain ang nakapitan ng COVID-19 at ilan sa mga ito ang nasawi.