-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Tumangging magbigay ng pahayag ang Philippine Military Academy (PMA) hinggil sa balitang nasibak sa puwesto ang ilang opisyal ng akademya dahil sa pagkasawi ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.

Una nang kinumpirma ni AFP spokesperson BGen. Edgard Arevalo na may mga opisyal ng PMA na tinanggal dahil sa naturang insidente.

Mayroon din aniyang dalawa pang fourth class cadets na isinugod sa miltary hospital noong nakaraang linggo dahil sa hinihinalang kaso ng hazing.

Ayon kay Arevalo, nakaramdam umano ng pananakit ng tiyan ang dalawang kadete.

Samantala, sinabi ni Baguio City Police Office Director P/Col. Allen Rae Co na sa pinakamadaling panahon ay masasampahan na ng kaso ang mga suspek sa pagpapahirap kay Dormitorio na nagresulta sa pagkamatay nito.

Sinabi ni Co, maisasapubliko lamang ang pangalan ng mga suspek na kadete kapag pormal nang maisampa ang kaso laban sa mga ito.

Paliwanag ng opisyal, hindi muna isisiwalat ang pangalan ng mga suspek na kadete para na rin sa proteksyon ng kanilang pamilya, kung paanong pinoprotektahan din ng mga otoridad ang pamilya ng biktimang si Dormitorio.