-- Advertisements --

Hindi sang-ayon ang ilang Philippine National Police (PNP) officers na tanggalin ang “no tattoo requirement” sa mga bagong aplikante na pulis.

Kasabay nito ang pagdepensa sa mga batikos na tinanggap ng kanilang hepe kaugnay sa pagtutol nito sa pag-alis sa “no tattoo requirement” sa kanilang recruitment process.

Ayon kay C/Supt. Elpidio Gabriel Jr., tama lang ang pag-alma ni PNP Chief Ronald Dela Rosa sa panukala ni Davao City 1st District Rep. Karlo Nograles na payagang makapagpulis ang mga may tattoo.

Maituturing aniya na “life saving” strategy ito lalo na kung magkaroon ng labanan kung saan kapag may nasugatang pulis at nangangailangan ng blood transfusion, magiging mas madali na makapag-donate ng dugo.

Bawal kasi mag-donate ng dugo ang mga pulis na may tattoo.

Sinegundahan naman ito ni Chief Supt. Philip Philips at sinabing mas malinis tignan ang mga pulis na walang tattoo sa katawan.

Una nang sinabi kahapon ng PNP chief na totoong maituturing na “discriminatory” ang pagsala nila ng mga tao dahil iniitsapwera nila ang mga may tattoo sa recruitment process.

Gayunman, kanyang nilinaw na hindi nila pinagtatabuyan ang mga ito, bagkus ay binibigyan pa nila ito ng tiyansa basta bumalik lang na malinis at tanggal na ang kanilang tattoo.