Ibinunyag ng ilang mga executive ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang umano’y pagsuhol sa kanila ni Alice Guo para lamang hindi magsalita.
Batay sa testimonya ng isang alyas Alex na umano’y nagsisilbing treasurer ng Zun Yuan Technology, una silang nilapitan ng kampo ni Guo noong 2023 at inalok sila ng P20,000 kada buwan.
Kapalit nito ay ang paggamit sa kanilang pangalan bilang mga incorporator ng isang POGO Company.
Kasama ni Alyas Alex na umano’y inalok ay ang corporate secretary ng Zun Yuan.
Pumayag naman ang mga ito hanggang sa sinalakay na ang POGO kung saan ginamit ang kanilang pangalan at tuluyang ipinatawag ng National Bureau of Investigation, Kamara de Representantes, at Senado.
Gayunpaman, nilapitan umano sila ng isang staff ni Guo na kinilala bilang si Jeremy Santos, at binigyan ng tig – P500,000.
Hinikayat umano sila ng kampo ni Guo na magpalit ng address, huwag magsalita o magsabi ng anuman, at haharapin nila ang kaso.
Ang dalawang POGO executive ay unang sumuko ngayong linggo sa National Bureau of Investigation.