-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na anim na local candidates ang pinaniniwalaang nagbigay suporta sa New People’s Army (NPA) sa Misamis Oriental.

Ito ay sa kabila nang pagbabanta ni dating AFP chief of staff General Eduardo Ano na kasalukuyan ng kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG), na mahaharap sa kasong kriminal ang sinumang elected officials mula probinsya hanggang sa barangay kung mapatunayan na nagbigay suporta sa mga komunista sa bansa.

Sinabi ni 58th Infantry Battallion commander Lt. Col. Roy Anthony Derilo sa Bombo Radyo na patuloy ang pangunguha nila ng impormasyon laban sa hindi pa pinangalanan na local candidates na umano’y lumabag sa kautusan ng DILG.

Inihayag ni Derilo na bagama’t tanging anim lamang na kandidato ang nakunan nila ng impormasyon, subalit hindi sila tumigil sa monitoring sa kasagsagan ng kampanya sa 2019 midterm elections.

Kung maaalala, sa higit 300 local government unit officials na inilabas ng DILG na suporta raw sa teroristang NPA, ang Northern Mindanao ang mayroong pinakamarami.

Una rito, hinamon na lamang ni DILG Assistant Regional Director Edward Bhagwani ang mga kandidato na huwag nang pumasok sa politika kung hindi kaya sundin ang mga kautusan ng batas upang labanan ang insurhensiya na laganap sa bansa.