-- Advertisements --

Kinumpirma ng White House na itutuloy pa rin ni Vice President Mike Pence ang pakikipag-usap nito sa mga governors at health teams ng Florida at Arizona.

Ito ay sa kabila nang pagkansela ng bise presidente sa mga campaign events nito dahil sa patuloy na pagtaas ng kumpirmadong kaso ng coronavirus sa mga nasabing estado.

Ayon kay Pence, bibisita umano ito sa Florida, Texas at Arizona upang malaman ang impormasyon hinggil sa pagtaas ng kanilang COVID-19 cases.

Binato ng mga kritisismo ang tatlong state governors ng mga nasabing lugar dahil sa pagpupumilit ng mga ito na buksang muli ang kanilang ekonomiya sa kabila ng mataas na kaso ng deadly virus.

Nakatakda ring magtungo ang bise presidente sa Dallas para dumalo sa “Celebrate Freedom Rally” na gaganapin sa First Baptist Church Dallas bago makipagpulong kay Texas Gov. Greg Abbott.