LEGAZPI CITY- Labis ang kagalakan ngayon ng mga Republicans at mga taga suporta ni dating US President Donald Trump matapos ang ginawa nitong pag-anunsyo sa pagtakbo sa 2024 presidential elections.
Ayon kay Bombo International Correspondent Greg Aguilar sa ulat sa Bombo Radyo Legazpi, majority ng mga Republicans ay nananatili pa rin ang suporta sa dating US President.
Kabilang sa mga tinitingnan na posibleng makaharap ni Trump sina dating US Secretary of State Mike Pompeo na nagpahayag ng interes sa posisyon, incumbent President Joe Biden at kapwa Republican na si Florida Governor Ron DeSantis.
dahil dito ay sinasabing magiging exciting ang mangyayaring presidential elections sa Amerika.
Subalit ayon kay Aguilar, dahil sa maagang pag-anunsyo ng kandidatura ni Trump ay tila umatras na ang ilang mga personalidad sa pagnanais na tumakbo rin sa presidential elections.
Nabatid na bibihira na magkaroon ng maagang anunsyo ng naturang hakbang dahil karamihan sa mga kandidato sa Amerika ay nagpapahayag ng intensyon sa pagtakbo sa kalagitnaan ng taon bago ang eleksyon.
Samantala, sinasabi ng ilang eksperto na posibleng isa sa mga dahilan ng maagang pag-anunsyo ng kandidatura ni Trump ay ang nagpapatuloy na mga imbestigasyon laban dito.
Paliwanag ni Aguilar na posibleng matigil ang naturang imbestigasyon kung pormal nang maging presidential candidate ang dating presidente.