-- Advertisements --

VIGAN CITY- Naantala ng ilang oras ang botohan sa ilang presinto sa lalawigan ng Ilocos Sur, partikular na sa lungsod ng Vigan at bayan ng Narvacan dahil sa ilang negligence ng mga botante.

Sa impormasyong nakarating sa Bombo Radyo Vigan, kaninang mga alas nuwebe ng umaga ay nagka-aberya ang scanner ng vote counting machine na ginagamit sa Burgos East Memorial School sa Vigan City dahil sa lipstick na naidikit sa balota ng isang botante.

Ayon sa isang miyembro ng electoral board, masyado umanong sensitibo ang scanner ng VCM kaya kahit kaunting dumi lamang ay hindi nito tinatanggap o di kaya ay hindi nito tatanggapin ang balotang ipinapasok.

Sa Banglayan Elementary School naman sa bayan ng Narvacan, ilang oras din ang pagka-antala ng mga botante dahil sa pagselfie ng isang lalaki habang nasa loob ito ng presinto.

Nagkaroon ng kaunting komosyon sa nasabing lugar dahil sa nasabing pangyayari ngunit naresolba naman ito kaagad sa pagdating ng mga otoridad at ng local Comelec officer ng nasabing bayan.

Sa kabuuan, aabot na sa 10 VCM ang pumalya sa iba’t ibang panig ng lalawigan na nagdulot ng pagka-antala sa pagboto ng mga botante.