Kinalampag ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo ang Senado na aksyunan ang 11 priority bills ng Duterte administration na pending pa rin sa mataas na kapulungan.
Sa liham na kanyang ipinadala kay Senate President Vicente Sotto III, sinabi ni Arroyo na umaasa ang Kamara na maaksyunan kaagad ng Senado ang mga panukalang batas na ito.
“As for the 11 pending bills in the President’s priority legislative agenda, we await the action of the Senate and stand ready to adopt the Senate version in the interest of speedy legislation,” ani Arroyo.
Kabilang sa mga panukalang ito, na pasado na sa Kamara, ay ang Security of Tenure Bill, National Land Use Bill, Department of Disaster Resilience Bill, tax reform bills, at marami pang iba.
Iginiit din ng dating pangulo na may ipinasa ulit silang bersyon ng panukalang nagpapatatag ng isang Coconut Industry Trust Fund, na inaasahan daw niyang pasok sa policy direction ng ehekutibo.
Ang orihinal na bersyon ng panukalang ito ay naglalayong bumuo ng P100-billion trust fund para sa benefit ng mga coconut farmers, pero na-veto ito ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa umano’y kakulangan ng safeguards at sa pangamba na lalabag ito sa Saligang Batas.