-- Advertisements --

Hindi pa raw natatanggap ng ilang mga health workers mula sa mga private hospitals ang kanilang One COVID allowance.

Ayon kay Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPI) president Dr. Jose Rene de Grano, hanggang sa ngayon ay hinihintay pa rin ng mga healthcare workers mula sa mga private hospitals ang kanilang mga benepisyo.

Sa ngayon, halos kalahati na raw sa mga healthcare workers mula sa mga pribadong hospital ang nag-resign na at nagtrabaho sa ibayong dagat dahil na rin sa magandang oportunidad.

Ipinagtataka naman daw ni De Grano na hindi pa naibibigay ang benepisyo ng mga healthcare workers dahil nailabas na raw ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo para rito.

Una rito, sinabi ng palasyo ng Malacanang na nasa P7.9 billion na ang inilabas ng DBM para sa allowance ng mga healthcare workers na nagsilbing front-liners noong kasagsagan ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Sinabi naman ng Department of Health (DoH) na nakikipag-ugnayan na raw ang mga ito sa lahat ng ospital kabilang na ang mga miyembro ng PHAPI para sa mabilis na pamamahagi ng ‘One Covid’ allowance para sa mga deserving na healthcare workers.

Sinabi ng ahensiya na ang rules at regulations ay nangangailangan ng memorandum of agreement (MOA) at full accounting o liquidation sa ano mang pondo para mailipat ng DOH Centers for Health Development (CHD) ang pondo para sa mga private hospitals.

Noong May 25, sinabi ng DoH na papalo sa P403 million ang inilaan para sa 266 medical facilities at ito ay available na.

Pero, ang allocation ay pending pa rin para sa pag-iisyu ng cheke dahil sa kakulangan g mga isinumiteng mga dokumento lalong-lalo na ang pinirmahang MOA at liquidation report mula sa dating nailipat na pondo para sa health facility.