Na-veto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ilang probisyon na nakapaloob sa 2023 national budget.
Kabilang dito ang Special Provision No. 1, “Use of Income,” na ayon sa Pangulo ay bahagi na ng revenue and financing sources ng Fiscal Year (FY) 2023 National Expenditure Program na una nang naisumite sa Kongreso.
Ayon sa Pangulo, hindi otorisado ang National Labor Relations Commission (NLRC) na gamitin ang income nito batay sa umiiral na batas.
Ang isa pang nai-veto ay ang DepEd-Office of the Secretary Special Provision No. 4, “Revolving Fund of DepEd TV,” na ayon sa Pangulo ay hindi rin otorisado ang ahensiya na magkaroon ng revolving fund para sa naturang kaukulan.
Hindi rin nakalusot ang Special Provision No. 4, para sa “Branding Campaign Program,” ng Department of Tourism na nagtatakdang limitahan ang functions ng executive branch para ipatupad ang RA No. 9593 o Ang Tourism Act of 2009.
Ipinaliwanag ng punong ehekutibo na base sa isinasaad ng RA No. 9593, bahagi ng mandato ng DOT na magplano, maglatag ng programa at magsilbing implementing and regulatory government agency sa promotion ng tourism industry.
Ang mga nai-vetong probisyon ay ginawa bago pa man-mapirmahan ang 2023 national budget nitong nakaraang Biyernes, Disyembre 16, 2022.