Ilang pulis ng PRO-10 na nag-augment pagpasuko kay Pastor Quiboloy, pinarangalan
CAGAYAN DE ORO CITY – Binigyang parangal ng Police Regional Office 10 ang lima sa 426 pulis na bumubuo ng Civil Disturbance Managament (CDM) contigent na nagdagdag puwersa sa tropa ng Police Regional Office 11 na pumasok sa compound ng Kingdom of Jesus Christ Church na pagmay-ari ni Pastor Apollo Quiboloy sa Davao City noong nakaraang linggo.
Kasunod ito ng warrant of arrest implementation laban kay Quiboloy at apat na kasamahan pa dahil sa kinaharap na mga kaso sa magkaibang korte ng bansa.
Sinabi ni Police Regional Office 10 Director Brig Gen Ricardo Layug Jr na binigyan nila ng mataas na paghanga ang higit 400 pulis sa Northern Mindanao na hindi inaalintana ang panganib ng buhay mapanatili lang ang diwa ng batas at propesyonalismo habang binantayan ang labas at loob ng KOJC na pinagtaguan ng pastor.
Kabilang sa mga ginawaran ng Medalya ng Kagalingan sina Police Chief Master Sargeants Alpazino Dampal; Gregorio Dalucanog Jr at Police Master Fermin Delfin Jr habang Medalya ng Sugatang Magiting sina Police Corporal Zoren Quimno at Patrolman Clark Itum.
Magugunitang magkaibang bersyon ang lumabas na balita paglutang ni Quiboloy dahil mayroong nagsasabi na sumuko ito sa militar habang ilan rin ang gumigiit na napilitan magpa-kustodiya sa gobyerno dahil naiipit na sa kinalalagyan.