-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Maliban sa hindi kinukwestiyong pagkapatay sa miyembro ng kanilang pamilya, inakusahan din ang ilang mga pulis sa Negros Oriental na nagnakaw umano ng pera ng mga subject nang inihain nila ang search warrant noong Marso 30 ng madaling araw.

Sinabi sa Bombo Radyo Bacolod ni Argie Acabal, anak ng namatay na si Punong Barangay Valentin Acabal ng Candabong, Manjuyod na matapos halughugin ng mga pulis ang kanilang bahay kasabay ng operasyon, nadiskubreng nawawala ang kanilang pera.

Inihayag ni Argie na hinalungkat ng mga pulis na nakasuot ng bonnet ang lahat na sulok ng bahay dahil pinaghahanap ng mga ito ang .45 caliber pistol at nang hindi makita ay saka umano pinatay ang biktima.

Ayon pa kay Argie na isang overseas Filipino worker sa Qatar at umuwi lang kasunod ng pagkamatay ng barangay official, ninakaw daw ng mga pulis ang P30,000 na nasa bulsa ng pantalon ng kanyang ama na nakasabit sa kwarto na pinasok ng mga otoridad.

Ang P30,000 aniya ay ipinadala niya sa kanyang mga magulang, ilang araw bago ang operasyon.

Maliban dito, nawawala rin ang P7,000 na pera ng kanilang simbahan kung saan nagsisilbing treasurer ang kanyang ina na si Angenate.

Naghihinagpis ang OFW dahil nilalagnat pa umano ang kanyang ama noong Marso 29 ng gabi ngunit pinagbabaril pa rin daw ng mga pulis kahit ito ay nagmamakaawa para sa kanyang buhay.

Nabatid na base sa post-mortem examination, hindi bababa sa 10 ang tama ng punong barangay kung saan nagkabali-bali ang kanyang mga paa at nawasak din ang kanyang ari matapos binaril.

Pilit namang kinukunan ng reaksiyon ng Bombo Radyo ang panig ng mga otoridad sa naturang alegasyon.