LAOAG CITY – Hindi pinayagan na makapasok ang ilang pumunta para manood ng unang araw ng 2024 Paris Olympics dahil wala silang QR Code.
Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Laoag kay Bombo International News Correspondent na si Rye Cristobal mula sa Paris, France, sinabi niya na ito ay nagpapatunay lamang na seryoso ang mga awtoridad at mga organizers sa pagpapatupad ng mga patakaran.
Iginiit niya na hinding-hindi nila tatanggapin at papapasukin ang mga walang QR Code dahil inanunsyo ito ilang linggo bago ang pormal na pagsisimula ng Paris Olympics.
Kaugnay nito, sinabi ni Cristobal na mahigit 45,000 pulis ang na-deploy sa pagsisimula ng Paris Olympics kung saan mahigit dalawang libong security officer pa ang naidagdag para magsilbi upang matiyak at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa paligid ng mga sporting venues.
Paliwanag niya, nakita niya ang mga atleta na pambato ng Pilipinas na napakasaya at sabik na makitunggali sa kanilang mga kalaban sa iba’t ibang larangan ng sports.
Aniya, 2pm pa lamang ay nagsisiksikan na ang mga tao kaya mabilis na napuno ang Seine River kung saan nagparada ang mga kalahok sa Paris Olympics sakay ang mga bangka.
Dagdag pa niya, hindi alintana ng mga libu-libong nanood ng Opening Ceremony ng Paris Olympics ang pag-ulan kahit sila’y basang-basa na sa ulan.