-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Ilang puno ang natumba at nagbagsakan ang sanga sa daan sa lunsod ng Ilagan kahapon na dulot ng hanging dala ng bagyong Goring.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni City Disaster Risk Reduction and Management Officer Butch Estabillo na naging maagap ang mga kinaukulan sa clearing operations kaya natanggal din agad ang mga natumba na puno at bumagsak na sanga sa mga lansangan.

Nagdulot din ito ng power interruption pero bumalik din pagkatapos ng clearing operation.

Samantala, lumikas ang 18 tao sa barangay Alibagu bilang paghahanda sa posibleng maging epekto ng bagyong Goring.

Sinabi ni CDRRM Officer Estabillo na isinailalim sa pre-emptive evacuation ang 18 tao sa barangay Alibagu dahil gawa sa light material ang kanilang bahay.

Isinara rin kahapon ang Baculud Overflow Bridge dahil sa pag-apaw ng tubig sa ilog.

Panawagan nila sa mga residente na magmasid sa pagtaas ng tubig sa ilog at iwasan ang pagpunta sa mga lugar na mataas ang posibilidad ng pagguho ng lupa para maging ligtas sa ano mang sakuna.