-- Advertisements --

Nagpahayag ng kani-kanilang closing arguments ang House impeachment managers at legal team ni US President Donald Trump sa huling araw ng senate trial.

Bawat isa ay may panawagan para sa mga senador na boboto sa Huwebes kung dapat bang patalsikin sa pwesto ang American president.

Inaasahan na ipapa walang-sala ng Senado si Trump dahil kakailanganin na makakuha ito ng two-thirds ng mga boto upang tanggalin si Trump sa pagka-pangulo ng Amerika.

Ngunit magiging kaabang-abang ito dahil na rin sa mga senador na posibleng bumaliktad ng partido sa mismong araw ng botohan.

Sa closing argument ni House Intelligence Chairman Adam Schiff, hinikayat nito ang mga Senate Republicans na maniwala sa tibay ng mga ebidensyang inilatag nitong mga nagdaang paglilitis na magpapatunay sa mga alegasyon laban kay Trump.

Nanindigan naman ang kampo ng American president na hindi nila hahayaang matanggal sa pwesto ang pangulo sa kabila ng pagmamatigas ng House Democrats.

Nanawagan din ang ilang kapartido ni Trump na huwag nang banggitin ng presidente ang tungkol sa impeachment trial nito sa gaganapin na State of the Union address bukas.