-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Umaapela ngayon ng economic assistance ang ilang mga residente at manggagawa sa isla ng Boracay kasunod ng biglaang pagbagsak ng turismo dahil sa nagpapatuloy na banta ng Coronavirus Disease (COVID-19).

Ang mga vendors na umaasa sa turista ang kanilang kabuhayan ay sinasabing bumaba ng halos 50 porsyento ang kanilang kinikita mula nang ipinatupad ang travel ban mula sa bansang China at sa administrative region nito na Hong Kong at Macau.

Ayon kay Maureen Tapican, isa sa mga coordinator ng grupong We Are Boracay, maswerte na aniya ang araw kung may maiuuwi sa kanilang pamilya ang mga vendors kahit pambili na lamang ng bigas.

Umaaray na rin ang mga nagtitinda ng seafoods sa isla dahil sa biglaang pagkawala ng kanilang mga customers na pawang mga Chinese nationals.

Naramdaman ang economic impact sa Boracay at buong lalawigan ng Aklan sa unang buwan pa lamang ng kasalukuyang taon dahil sa mga cancellation ng bookings at low occupancy dulot ng travel restrictions.

Sinabi pa ni Tapican na malaking tulong sa mga apektadong residente at workers kung magbibigay ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Aklan gaya ng bigas at iba pang kakailanganin ng mga ito.