KORONADAL CITY – Takot pa rin ang nararamdaman ng ilang mga residente na nakatira malapit sa Jolo Airport, Brgy. Bangkal, Patikul, Sulu dahil sa pagbagsak ng Philippine Air Force C-130H Hercules transport aircraft kung saan mahigit sa 40 ang kumpirmadong namatay.
Ito ang ibinahagi ni Alicia Jamdan isa sa mga nakakita sa pangyayari sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Manang Alicia, sobrang nakakapagtaka na nakakatakot ang tunog na kanilang narinig bago pa tuluyang bumagsak ang C-130 na nanggaling sa Lumbia Airport, Cagayan de Oro lulan ang 92 katao at patungo sana sa Jolo, Sulu.
Ngunit palapag na sana nang lumampas sa runway dahilan upang dumiritso ito sa labas ng airport at tumama sa dalawang bahay ng mga sibilyan at sumabog.
Dagdag pa ni Alicia, dati rati’y normal lamang ang paglipad at pag-landing ng mga eroplano sa kanilang lugar pero sa ngayon ay natatakot na diumano sila dahil baka mangyari ulit ang pagbagsak ng eroplano.
Sa ngayon, umaapela naman ito ng tulong para sa mga residenteng nadamay sa pangyayari lalo na sa dalawang bahay na nasira at nasunog at sa tatlong sibilyan na namatay.
Inihayag pa nito na ang nasabing mga bahay ay pagmamayari ng mahihirap lamang na pamilya na pagbubungkal ng bato ang ikinabubuhay kaya’t nangangailangan ng tulong at panalangin.