BACOLOD CITY – Umaasa ang mga residente sa isang barangay sa EB Magalona, Negros Occidental na muling buksan ang daan papasok sa kanilang lugar na ipinasara umano ng bise alkalde pagkatapos ng eleksyon nakaraang Mayo 13.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa isang residente sa lugar, mahigit 1,000 indibidwal sa barangay ang apektado lalo na ang mga nakatira sa Sitio Laghit, Barangay Pasil.
Isang hacienda road ang daan at pagmamay-ari ng pamilya ni EB Magalona Vice Mayor Rob Acaling.
Sinasabing pila lang ang mga residente na maaaring makadaan habang hindi naman makadaan ang mga nagsuporta kay incumbent Mayor Marvin Malacon na kalaban ni Board Member David Albert Lacson sa mayoralty race.
Nabatid na nare-elect si Malacon sa 2nd term matapos matalo si Lacson.
Si Acaling ay nagsuporta sa kandidatura ni Lacson ngunit hindi ito tumakbo sa nakaraang eleksyon.
Sinasabing may listahan ang guwardiya na nagbabantay at hindi makadaan ang mga pamilya na hindi bumuto kay Lacson.
Ayon sa guwardiya, sumusunod lang sila sa utos ni Acaling.