KALIBO, Aklan – Naalarma ang ilang residente ng Boracay sa pananatili ng mga Chinese tourists galing Wuhan, China na kasalukuyang nagdiriwang ng Chinese New Year sa isla.
Sa interview ng Bombo Radyo, sinabi ng isang residente na tumangging magpabanggit ng pangalan na nangangamba umano sila dahil walang nakakaalam kung infected o hindi ang mga ito kahit pa na nakapasa sa mahigpit na screening ng mga personnel ng Bureau of Quarantine at isa-isang dumaan sa handheld thermal scanners sa Kalibo International Airport.
Partikular niyang tinukoy ang incubation period ng sakit na sa kanyang pagkakaalam ay tumatagal pa umano ng ilang araw bago maramdaman ang sintomas.
Mungkahi pa niya na maliban sa direct flight sa Wuhan na siyang pinanggalingan ng novel coronavirus outbreak ay isuspinde na rin ang iba pang direct flight mula China.
Ang Pan Pacific Airline flight lulan ang 135 na pasahero ay dumating sa paliparan ng Kalibo noong Huwebes ng umaga bago pa man ipinatupad ang lockdown sa siyudad ng Wuhan.
Samantala, nanawagan ang Provincial Health Office (PHO)-Aklan sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon sa ganitong panahon na may n-coronavirus scare sa China na ikinamatay na ng mahigit sa 40 katao.
Nilinaw ni Dr. Cornelio Cuatchon ng PHO-Aklan na hanggang sa kasalukuyan ay wala pang naitatalang kumpirmadong kaso ng 2019-nCoV sa lalawigan ng Aklan.