-- Advertisements --

(Update) LEGAZPI CITY – Patuloy pang iniimbestigahan ng mga otoridad ang motibo sa pamamaril-patay sa dalawang lalaki na nadiskubre ang bangkay sa masukal na parte ng Sitio Kawalog, Barangay Bariis, Legazpi City, Albay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay P/Capt. Dexter Panganiban ang tagapagsalita ng Albay PPO, lumalabas sa imbestigasyon ng mga otoridad na dinala muna sa lugar ang mga biktima na tinatayang edad 18 hanggang 20-anyos bago ito pinagbabaril-patay.

Ayon kay Panganiban, base sa pakikipag-usap sa mga nakatira malapit sa pinangyarihan ng insidente, nakarinig umano ang mga residente ng mga putok ng baril bandang alas-7:30 ng gabi hanggang sa madiskubre na lang ang mga bangkay.

Hindi pa matukoy sa ngayon ang pagkakakilanlan ng mga biktima lalo pa at wala pa rin na nagpapakilalang mga kaanak nito.

Natukoy naman sa lugar ang walong basyo ng bala at isang fired bullet na ginamit sa pagpatay sa mga biktima.