-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Piniling tulungan ng grupong Kapit Bisig ang mga residente na apektado ng pag-alburuto ng bulkang Taal ang ilang hindi lumikas patungong evacuation centers.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay AJ Antiporda na tubong Silay City, Negros Occidental at nakatira na ngayon sa General Trias, Cavite, inihayag nito na nabuo ang kanilang grupo dahil lamang sa kagustuhan nilang tumulong sa mga biktima ng pag-alburuto ng bulkan.

Enero 18 nang pumunta sila sa Batangas upang magpamigay ng natipon nilang relief goods.

Ngunit, mas pinili ng kanilang grupo na tulungan ang mga residente na hindi nananatili sa evacuation centers dahil ayon sa kanya, hindi ang mga ito naaabutan ng tulong dahil halos lahat nang donasyon ay nasa evacuation centers.

Aniya, walong barangay na nasa 17 kilometer-radius mula sa Taal Volcano ang kanilang napuntahan at natulungan.

Dagdag pa ni Antiporda, kinulang ang dala nilang relief goods dahil marami pa ring mga residente ang mas piniling manatili sa kanilang tahanan.

Sa ngayon, nananawagan ito sa mga gustong magbigay ng tulong na makipag-ugnayan lamang sa kanilang grupo upang marami pang mga lugar ang kanilang maabot at matulungan.