Pansamantala munang matutulog sa labas ng kani-kanilang mga bahay ang mga residente sa Ridgecrest, California dahil sa takot na baka may sumunod pa ulit na pagyanig ng lupa.
Pasado alas-onse ng tanghali, oras dito sa Pilipinas, nang tumama ang 6.9 magnitude na lindol sa Southern California.
Ayon kay Southern California Edison spokeswoman Sally Jeun, kasalukuyang walang suplay ng kuryente ngayon ang halos 3,300 kabahayan.
Nagpaabot naman ng kaniyang paalala para sa mamamayan ng Southern California si Ridgecrest Mayor Peggy Breeden.
Aniya, mas makakabuti raw para sa lahat ang bantayan ang isa’t isa.
Samantala, kinumpirma naman ng U.S Geological Survey na naramdaman din sa ilang bahagi ng Mexico at Las Vegas ang nangyaring lindol sa California.
Pansamantala rin munang itinigil ang isinasagawang NBA Summer League sa Las Vegas dahil sa lindol.