VIGAN CITY – Aminado ang ilang Pinay workers sa Hong Kong na patindi na nang patindi ang hirap na kanilang nararanasan sa nasabing lugar dahil sa umiinit na tensyon sa pagitan ng mga demonstrador at ng kanilang gobyerno.
Sa report sa Bombo Radyo Vigan ni Bombo International Correspondent Rose Galinato-Alcid na taga-Ilocos Sur ngunit matagal nang nagtatrabaho sa Hong Kong, mayroon na umanong ilang residente na nagpapanic–buying sa mga supermarkets at iba pang pamilihan.
Ito ay dahil sa maagang nagsasara ang mga nasabing tindahan dahil sa mga protesters.
Nananalangin naman sina Alcid na hindi maapektuhan ang mga wet market sa Hong Kong dahil bukod sa mura ay doon pa umano sila nakakapamili nang maayos.
Kaugnay nito, nangangamba rin umano ito dahil kung tumindi pa ang protesta at hindi na makontrol pa ng mga Hong Kong police ang mga ralyista, maaaring maapektuhan umano ang suplay sa tubig at pagkain sa nasabing rehiyon.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni Alcid na maayos umano ang kalagayan ng mga OFW sa Hong Kong dahil sumusunod naman umano sila sa bilin ng embahada.