NAGA CITY – Hindi na umano naiwasang makaramdam ng pangamba ng ilang mga residente ng Hong Kong sa pinaniniwalaang miyembro ng triad groups na nang-atake sa loob ng isang mall sa lugar.
Sa report ni Bombo international correspondent Ricky Sadiosa, sinabi nitong matapos ang nangyaring riot sa loob ng isang mall kung saan inatake ng mga nakaputing kalalakihan ang sinumang nakaitim na damit sa loob ng mall, natatakot na aniya ang mga taong lumabas ng kanilang bahay.
Ayon kay Sadiosa, ang kulay itim ang kulay na ginagamit ng mga nagpoprotesta sa Hong Kong kung kaya pati ang mga taong nagkataon lamang na nakaitim ng mga oras na ‘yon ay nadamay sa kaguluhan.
Kaugnay nito, agad naman aniyang nagpatawag ng press conference ang Hong Kong government ngunit hindi aniya naibigay ang katiyakan para sa seguridad ng mga tao sa lugar.