Nagpaalala ngayon ang Department of Health (DoH) sa mga dapat gawin at hindi dapat gawin ng mga residenteng apektado ng oil spill sa Mindoro.
Kasunod na rin ito ng nararanasan ng ilang residente doon na pananakit ng ulo at asthma.
Dahil dito, pinayuhan ni DoH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire ang mga residenteng naninirahan sa baybaying nasa 100 metro ang layo na apektado ng oil spill na huwag uminon ng tubig mula sa kanilang sariling sources at sa halip ay uminom ng tubig na mula sa local government.
Dapat din umano silag magsuot ng industrial masks at hindi lamang mga regular face masks.
Ang mga matatanda naman daw at may mga lung conditions ay dapat umalis sa lugar at pumunta sa mas malayong area.
Una nang ipinagbawal ng Oriental Mindoro government sa mga residente na gumamit ng tubig mula sa mga poso o underground water pumps para maiwasan ang pagkakalunok ng posibleng contaminated ba tubig dulot ng oil spill.
Sa ulat ng DoH, ilan daw sa mga residente ay nakaranas ng pananakit ng ulo at nahihilo.
Ang isa namang residente sa bayan ng Pola sa Oriental Mindoro ay na-admit sa ospital dahil sa asthma kasunod na rin ng oil spill mula sa lumubog na motor tanker sa Oriental Mindoro.
Ang MT Princess Empress ay lumubog noong Pebrero 28 sa Najuan at may karga itong 800,000 liters ng industrial fuel.
Naiulat naman ang oil spills sa ilang lugar sa Mindoro na siyang dahilan ng pagdedeklara ng bayan ng Pola sa state of calamity.