Nilinaw ng Bureau of Animal Industry (BAI) na hindi buong Pilipinas ang saklaw ng idineklara nilang outbreak kaugnay sa African swine fever (ASF).
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines, sinabi ni BAI Director Ronnie Domingo na ilang mga lugar lamang sa mga lalawigan ng Rizal at Bulacan ang isinailalim sa outbreak level.
Partikular aniya rito ang mga barangay ng San Jose, Macabud, San Isidro, San Rafael, at Mascap sa Rodriguez, Rizal; Cupang sa Antipolo; at bayan ng Guiguinto sa Bulacan.
Inihayag pa ng opisyal na kailangan na nila itong ideklara dahil sa naghihintay aniya ng sagot ang publiko sa nangyayaring pagkamatay ng mga baboy.
Napatunayan din daw sa ipinadala nilang samples sa ibang bansa na ASF ang tumama sa mga baboy sa nasabing mga lugar.
Samantala, sinabi ni Domingo na patuloy pa rin ang mga control measures upang mapigilan ang pagkalat ng ASF sa iba pang mga karatig ng mga lalawigan.
Tiniyak naman ni Domingo na ligtas pa ring kumain ng baboy at sapat pa rin naman daw ang suplay nito sa merkado.