NAGA CITY – Kinumpirma ni Maj. Ricky Anthony Aguilar, chief ng Division of Public Affairs Office (DPAO) ng 9th Infantry Division, Philippine Army (PA) na nagkakaroon na sila ng monitoring sa iba’t ibang paaralan sa Bicol.
Layunin aniya nito na matiyak na hindi makakaporma ang mga rebeldeng grupo na magre-recruit ng mga mag-aaral na sumapi sa kanilang organisasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Aguilar, sinabi nitong, isa ang lungsod ng Naga sa mga mino-monitor nila at pinag-aaralan ang mga impormasyong nakakaabot sa kanilang tanggapan.
Sa kabila nito, nilinaw naman ni Aguilar na nagpapaalam muna sila sa mga schools heads sakaling nagkakaroon sila ng monitoring o pag-aaral sa sitwasyon ng isang paaralan.
Aniya, kahit anong mangyari hindi naman talaga aamin ang mga progresibong grupo o ang mismong mga rebeldeng grupo sa ginagawang pangre-recruit ng mga ito sa mga kabataan.
Dagdag pa ng opisyal, target ng naturang grupo ang mga kabataan dahil kumpara sa ibang mga mamamayan, mas madaling mamanipula raw ang mga ito.