-- Advertisements --

Hindi kumbinsido ang ilang senador na magpapasa ang Kongreso ng national budget na mayroong maiiwang blankong items. 

Sa panayam, sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian, kung mayroong maiiwang “blank items” sa 2025 national budget ay hindi ito magbabalanse. 

Hindi rin aniya lalagda si Senate Committee on Finance Chairman Senadora Grace Poe sa 2025 General Appropriations Act kung may maiiwang blanko sa pondo. 

Tugon ito ni Gatchalian sa paratang ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na may ilang items sa 2025 national budget na blanko na aniya hindi katanggap-tanggap. 

Bagay naman na binweltahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at sinabing nagsisinungaling si Duterte. 

“Sa pagkaalam ko hindi pwedeng pipirma ang chairman nang blangko. Kasi ako nag-chairman din ako ng ibang committee kapag sina-submit sa akin ang mga committee report binabasa ko talaga ‘yan up to the very annex para alam ko kumpleto lahat. Naniniwala ako na ang chairman hindi pipirma nang blangko,” ani Gatchalian.

Sinegundahan naman ni Senador Joel Villanueva ang mga pahayag ni Gatchalian. 

Ayon kay Villanueva, bilang miyembro raw ng bicameral committee, ang kanyang pinirmahan ay full bicameral conference committee report. 

Hamon ng senador, ang lahat ay malayang pumunta ng Korte Suprema at kwestiyunin ang constitutionality ng budget. 

Ngunit, knumpirma ni Villanueva na wala siyang nakitang blanko sa 2025 national budget. 

Kung totoo man aniya na may sinasabing blank items sa pondo, pposibleng ito ay lump sum. 

“Anyone is free to go to the Supreme Court and question its constitutionality, but I for one, would say na yung — wala akong nakitang blangko or whatsoever,” saad ni Villanueva.

“At kung totoo man yung sinasabi na may mga blanko, siguro ang maaari o posibleng mangyari is lump sum o may lump sum. So ako until now ang call ko palagi is breakdown these lump sum items at ipakita kung saan talaga ito pupunta,” dagdag ng senador.

Sinabi naman ni Senador JV Ejercito, wala siyang pinirmahan sa pinakakalat umano na blanko na bicam report at wala rin aniyang pamilyar na lagda ng mga senador. 

Una nang sinabi ni Senadora Risa Hontiveros na posibleng nabiktima si Duterte ng fake news.