-- Advertisements --

Pinakikilos ni Senate Committee on National Defense Chairman Senador Jinggoy Estrada ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na agad aksyunan ang tungkol sa namataang Russian attack submarine sa West Philippine Sea noong nakaraang linggo.

Partikular na hinimok ng senador ang Department of National Defense, Armed Forces of the Philippines, Department of Foreign Affairs na bigyang linaw agad ang intensyon sa biglang pagpasok ng Russian attack submarine sa karagatang sakop ng bansa.

Ayon kay Estrada, nakababahala ang sitwasyon at posibleng malagay sa alanganin ang katatagan at seguridad ng ating maritime domain na sentro ng mga geopolitical tensions.

Nangangamba si Estrada na ang presensya ng foreign military assets lalo na ang mga may offensive capabilities

nagpapataas sa panganib ng hindi pagkakaunawaan at kaguluhan sa sensitibong bahagi ng rehiyon.

Samantala, sinabi naman ni Senador Joel Villanueva, na dapat mas higpitan ngayon ang pagbabantayu sa ating karagatan. 

Sa kamakailang pagsasabatas aniya ng Maritime Zones Act at Archipelagic Sea Lanes, mayroon na ang bansa nang mas matibal na legal na kasangkapan upang igiit at protektahan ang ating soberanya sa rehiyon. 

Namataan ang Russian attack submarine nitong Huwebes sa kanlurang bahagi ng Occidental Mindoro na napag-alamang galing Malaysia pero hindi na ito lumubog pa sa karagatan at sa halip ay nagtungo ito pahilaga palabas ng territorial waters ng bansa nitong weekend.