Kinondena ng ilang senador ang nangyaring pag-araro ng sasakyan sa isang Pinoy street festival sa Vancouver, Canada, Sabado ng gabi roon.
Ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero, walang lugar sa mundo para sa ganitong uri ng karahasan.
Tiwala naman ang senador na gagawin ng mga awtoridad sa Canada ang lahat ng kanilang makakaya upang matiyak na makakamit ang hustisya.
Hinimok din ni Escudero ang Philippine Consulate at iba pang Embassy officials sa Vancouver at Canada na maghatid ng kinakailangang tulong sa mga Pilipinong biktima at sa kanilang mga pamilya—at tiyakin na sila ay maayos na naaalagaan, gayundin ang pagsasagawa ng mga hakbang upang hindi na maulit ang ganitong pangyayari sa hinaharap.
Iginiit naman ni Senadora Grace Poe na dapat agad maimbestigashan ang nagyaring insidente sa Vancouver na ikinasawi ng ilang indibidwal.
Aniya, ang mga Pilipinong naninirahan at nagsisikap sa ibang bansa ay karapat-dapat sa kalinga at proteksyon bilang bahagi ng mga komunidad na itinuturing na rin nilang tahanan.
Gayunpaman, nagpaabot naman ng pakikiramay at simpatya si Escudero at Poe sa pamilya at mga mahal sa buhay ng mga biktima ng karumal-dumal na pag-atakeng ito.
Una rito, kinumpirma ng pulisya sa Vancouver, Canada na nasa s11 na katao na ang kumpirmadong nasawi sa “Lapu Lapu Day ‘25 Block Party” sa Vancouver.
Sinabi ni Interim Vancouver Police Chief Steve Rai na isang 30-anyos na lalaki ang nasa kustodiya.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon at ito ay pinamumunuan ng Vancouver police major crime section.