-- Advertisements --
degamo

Nakakapangilabot at nakagagalit ang sunud-sunod na kaso ng pag-ambush at pagpatay sa mga local government officials.

Iyan ang bahagi ng pahayag ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa panibago na namang kaso ng pagpaslang sa isang Gobernador kung saan ito ay pinagbabaril ng mga hindi pa nakikilalang indibidwal sa sarili umano nitong tahanan.

Ayon kay Villanueva, sa loob ng nakalipas na tatlong linggo, apat na local government officials na ang in-ambush at pinakahuli ay si Governor Roel Degamo ng Negros Oriental.

Aniya, maging ang mga kababayang sibilyan ay nadadamay pa at nagiging biktima rin sa mga insidenteng ito.

Nakikiramay naman ang mambabatas matapos nitong mabalitaan ang kalunos-lunos na sinapit ni Degamo.

Giit pa nito, kitang-kita aniya na wala nang takot sa awtoridad ang mga masasamang loob na nais gumawa ng krimen at wala ng konsensya at kaluluwa.

Dagdag pa ng mambabatas, Kung hindi na sila takot pumatay ng mga nasa kapangyarihan, paano pa aniya sa mga ordinaryong mamamayan.

Kinwestiyon naman ni Villanueva ang pambansang pulisya kung anong proteksyon ang binibigay ng Philippine National Police (PNP) sa mga lokal na opisyal maging sa ating mga kababayan para maiwasan ang mga ganitong karumal-dumal na krimen.

Huwag na aniyang hintayin pa na may mamatay muli bago kumilos at kinakailangan ng tuldukan ito ng mga kapulisan.

Mariing kinokondena rin ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri ang karumal-dumal na pagpaslang kay Negros Oriental Governor Degamo.

Ayon kay Zubiri ang mga suspek ay dapat na sugpuin ng kapulisan at dapat rin na mabulok sa kulungan.