-- Advertisements --
SEC DUQUE 1

Iniakyat na ng ilang senador sa Korte Suprema ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagbawalan ang mga miyembro ng gabinete na dumalo sa mga pagdinig ng Senado ukol sa kontrobersiya sa pagbili ng pandemic supplies ng gobyerno sa Pharmally.

Sa petition for certiorari and prohibition, kabilang sa mga petitioners ay sina Senate Pres. Vicente Sotto III, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senate Pro Tempore Ralph Recto, Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senator Richard Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee.

Hirit nila, mag-isyu ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) o status quo ante order laban sa utos ni Pangulong Duterte.

Kung maalala, naglabas ng memorandum ang Pangulong Duterte na huwag nang padaluhin ang mga kalihim gaya ni Health Sec. Francisco Duque III sa mga imbestigasyon ng Senado laban sa Pharmally.

Kabilang sa respondents sa petitsyon ng mga senador si Sec. Duque at Executive Sec. Salvador Medialdea.