-- Advertisements --

Nanghihinayang ang ilang senador na hindi muna nagawa ni Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde na maalis ang lahat ng duda sa kaniyang pamumuno at pagkaka-ugnay sa kaniya sa ninja cops issue.

Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, sana ay nagamit ni Albayalde ang kaniyang panahon sa PNP para mapanagot sana ang mga tiwaling pulis, dating kasamahan man ito o hindi.

“I have mixed feelings about the way P/Gen. Oscar Albayalde, now ex-Chief PNP, has abruptly ended his police service more than three weeks before his compulsory retirement. His statements prior to his formal announcement today to relinquish command of the 190,000-strong police force have somehow diminished the redeeming value of his intent to spare the PNP from the so-called ‘ninja cops’ controversies,” wika ni Lacson.

Gayunman, nilinaw ng mambabatas na hindi niya hinuhusgahan ang bumabang hepe ng pambansang pulisya.

Si Lacson, ay dati ring PNP chief noong Estrada administration.

Welcome naman para kay Sen. Risa Hontiveros ang ginawa ni Albayalde, para hindi na makaladkad pa ang PNP sa kontrobersiyang kinakaharap nito.

Pero hindi umano ito maituturing na closure sa isyu, dahil kailangang maisilbi pa rin ang hustisya kahit umalis na sa tungkulin ang pinuno ng pulisya.

“This is not closure. Ang desisyon ni General Albayalde na magbitiw sa kanyang pwesto ay hindi nangangahulugan na tapos na ang isyu ukol sa mga “ninja cops” at iba pang tiwaling pulis na sangkot sa pagbebenta ng droga at katiwalian,” pahayag ni Hontiveros.

Hangad naman ni Sen. Francis Pangilinan na hindi lang mabaon sa limot ang isyu sa ninja cops, dahil sa mga nakaraang isyu ay wala nang naging development, matapos magsi-alis sa pwesto ang mga kontrobersyal na opisyal.

Partikular na rito sina dating BuCor Chief Nicanor Faeldon, dating Customs Chief Isidro Lapeña, dating Tourism Sec. Wanda Tulfo-Teo, dating Justice Sec. Vitaliano Aguirre at dating NFA Administrator Jason Aquino.

Naniniwala naman si Senate committee on justice chairman Sen. Gordon na pressure mula sa mga kapwa nagmula sa Philippine Military Academy (PMA) ang nagbunsod kaya napilitan si Albayalde na iwanan na ang pagiging pinuno ng PNP.

“I think he was also under pressure from the academy,” wika ni Gordon.