Nais sampahan ng kaso ng ilang senador sila Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque at dating PhilHealth senior vice president Rodolfo Del Rosario Jr., kaugnay ng umano’y anomalya sa tanggapan ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth).
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, maaari pa ring maghain ng kaso ang Senado laban sa ilang opisyal ng Philhealth na hindi kasali sa kakasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ginawa ng senador ang naturang komento matapos maghain ang NBI ng graft at malversation complaints laban sa ilang Philhealth officials na sinasabing may kaugnayan sa nangyayaring anomalya sa loob ng Interm Reimbursement Mechanism (IRM) ng naturang ahensya.
Sinabi pa ng senador, wala umanong maaaring pumigil sa kanila kung sakaling dudulog ang mga ito sa Office of the Ombudsman bilang isang Senado.
Kabilang sa mga sinampahan ng kaso ng National Bureau of Investigation (NBI) sina dating PhilHealth chief Ricardo Morales, executive vice president and chief operating officer Arnel De Jesus; at senior vice presidents Renato Limsiaco, Jr. at Israel Francis Pargas.
Kahit aniya umarangkada na rin ang sariling imbestigasyon ng Senado sa kontrobersya, ang mga inihain namang kaso ng NBI laban sa mga nabanggit na Philhealth officials ay base sa kanilang sariling imbestigasyon sa ilalim ng pamumuno ng Department of Justice (DOJ).
Binigyang-din naman ng senador na kailangan pa ring tapusin ng task force ang kanilang imbestigasyon dahil kulang umano ang isang buwan na deadline na ibinigay sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Base aniya sa impormasyon na natanggap ni Senate President Vicente Sotto III, may ebidensya raw na magpapatunay na sangkot sina Duque at Del Rosario sa kontrobersyang ito.
Naging tikom ang bibig ni Duque ukol sa IRM sa isinagawang hearing ng House panel. Hindi raw kasi siya parte ng deliberasyon at wala rin itong pinirmahan na resolusyon.