Naniniwala ang ilang senador na good choice si Senador Sonny Angara bilang kalihim ng Department of Education kapalit ng nag-resign na si Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero excellent choice bilang secretary ng DepEd si Angara.
Aniya, ilang malapit sa Pangulo ang nagtanong sa kanya kung sino ang karapat-dapat na maging kalihim at ang tanging naisip at nabanggit niya ay si Angara.
Para naman kay Senador JV Ejercito na good choice bilang DepEd Secretary si Angara at umaasa siyang makokonsidera ang senador.
Hindi aniya siya tiyak kung tatanggapin ni Angara ang posisyon na magiging malaking hamon sa kanya.
Samantala, binigyang-diin naman ni Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education na nakakatrabaho rin niya sa 2nd Congressional Commission on Education o EDCOM 2 si Angara kaya’t alam nyang good choice ito sa posisyon.
Magugunitang, nagbitiw sa puwesto bilang Department of Education (DepEd) secretary si Vice President Sara Duterte-Carpio.
Ayon sa Presidential Communications Office, dumating sa Palasyo si VP Sara alas-2:21 nang hapon noong Hunyo 19, at ipinaabot ang kanyang pagbitiw sa puwesto bilang miyembro ng Gabinete bilang DepEd secretary at vice chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).