-- Advertisements --

“Purely socials” o pagtitipon lamang ang naganap na dinner kagabi sa bahay ng pangulo kung saan hosts sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos. 

Ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero, ang hapunan kagabi sa Malakanyang ay bahagi ng kanilang regular o seasonal gathering sa pagitan ng mga miyembro ng Senado at ng pangulo. 

Aniya, walang pormal na programa o iba pang usapin na nailatag at isang “chilax dinner”  lamang. 

Sa pagkakaalam niya rin raw, ang lahat ng mga senador ay imbitado at nilinaw nito na dumalo si Senadora Grace Poe ngunit late lamang dumating. 

Taliwas naman sa sinabi ni Senadora Imee Marcos na wala sa dinner dahil walang imbitasyong natanggap, sinabi ni Escudero na sa kanyang pagkakaalam ay imbitado ang lahat ng senador at walang exception dito.

Ganito rin ang inihayag ni Senador JV Ejercito nang matanong kung may kinalaman ba sa peace rally ng Iglesia Ni Cristo (INC) ang ginanap na dinner at aniya’y walang tinalakay na usaping politikal sa kanilang pagtitipon.