Ikinukonsidera ni Sen. Grace Poe na lumipat sa panig ng minorya sa oras na palitan pa ang kasalukuyang liderato ng Senado.
Tugon ito ni Poe sa usapin na maaaring palitan si Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Ayon sa senadora, may iba pang mambabatas na hindi na rin sasama sa majority bloc kapag naalis si Sotto.
“Sa tingin ko kapag pinalitan talaga nila si Senator Sotto, may banta talaga na may mga iba na hindi sasanib doon sa mayorya,” wika ni Poe.
Sinabi naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri na 12 na ang senador na ang nasa panig ng kasalukuyang pangulo ng Senado.
Maliban sa leadership issue, hindi pa rin plantsado ang mga committee chairmanships.
May ilan kasing incoming senators na ngayon pa lang ay humihirit na ng apat na komite o higit pa, habang may iba namang naghahangad ng major committees.