-- Advertisements --

Hindi pa man tapos ang bilangan ng boto para sa 2019 midterm elections, ilang kandidato na ang nag-concede sa senatorial race.

Tanggap na nina Romulo Macalintal at Samira Gutoc ng Otso Diretso, pati na rin si Jiggy Manicad ng Hugpong ng Pagbabago ang kanilang pagkatalo sa halalan.

Sa isang statement, sinabi ni Macalintal nitong araw na lubos siyang nagpapasalamat sa pagkakataon at karanasan para i-alok ang kanyang serbisyo bilang isang senatorial aspirant.

“But from the results coming from all the clustered precincts, it is clear that a great majority of our voters have chosen other candidates. And I respect their decision as I concede defeat in this senatorial race,” saad ng beteranong election lawyer. .

Kanya namang binati ang lahat ng mga nanalong kandidato na masuwerte aniya matapos makuha ang tiwala at kumpiyansa ng taumbayan para magsilbi sa kanila bilang mga senador sa loob ng anim na taon.

Sa isang video, iginiit naman ni Gutoc na tanggap niya ang desisyon ng taumbayan at nagpasalamat na rin sa mga sumuporta at bumoto sa kanya.

Si Manical ay nag-uumapaw din ang pasasalamat sa 6 milyon na nagtiwala sa kanyang kakayahan.

Nangako naman din itong patuloy na tutulong sa publiko lalo na sa mga mahihirap.

Hanggang kaninang alas-11:00 ng umaga, si Manicad ay nasa ika-20 puwesto na may 6,653,340 votes; si Gutoc ay nasa ika-25 na puwesto na may 4,096,597 votes; habang si Macalintal ay nasa ika-26 na puwesto na may 3,862,155 votes.