Kinumpirma ng tagapagsalita ng Department of National Defense (DND) na ilang high-ranking officials ng ahensiya ang magbibitiw pa sa pwesto kasunod ng resignation ni Jose Faustino Jr., bilang officer in charge ng DND.
Isiniwalat ni DND spokesperson Arsenio Andolong na nasa 7 hanggang 9 pa na mga opsiyal ng may rangkong assistant secretary hanggang undersecretary ang inaasahang magsusumite ng kanilang resignation dahil ang kanilang posisyon ay coterminous kay Faustino.
Ang coterminous post ay tumutukoy sa appointment na inisyu ng isang indibidwal kung saan ang tenure ay limitado lamang sa isang partikular na period na nakasaad sa batas o ang pagpapatuloy sa sebisyo ay nakabase sa pagtitiwala at kumpiyansa ng appointing officer/authority o ng head ng organizational unit kung saan ito nakatalaga.
Paliwanag naman ni Andolong na normal lamang ang pagpapalit ng kalihim ng National Defense dahil ito ay customary at parte ng procedure.
Hindi pa isinasapubliko ng DND ang mga pangalan ng mga magbibitiw na opisyal. Kailangan din ng mga ito na magsumite muna ng kanilang mga resignation sa bagong DND Secretary Carlito Galvez Jr.
Paglilinaw naman ng DND na hindi maaapektuhan ang morale ng mga opisyal ng ahensiya at tropa mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na isa sa bureau ng DND, sa pagpapalit ng liderato ng defense at military.