Sinimulan ng imbestigahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang 3 magkakasunod na araw ng red at yellow alerts sa Luzon at Visayas grids.
Ayon kay ERC chairperson Monalisa Dimalanta, nagsasagawa na ng preliminary investigation ang power industry regulator kaugnay sa sitwasyon na may kinalaman sa suplay ng kuryente.
Nakatakda ring makipagpulong ang ahensiya sa mga sangkot na stakeholders para sa pormal na imbestigasyon.
Maalala na inanunsiyo ng National Grid Corp. of the Philippines na muling ilalagay sa red alert ang Luzon grid ngayong araw ng Huwebes mula kaninang alas-3 ng hapon hanggang alas-4 ng hapon at mula mamayang alas-8 ng gabi hanggang alas-10 ng gabi.
Ipinapairal ang red alert status kapag ang suplay ng kuryente ay hindi na sumasapat para mapunan ang kinakailangang demand ng mga customer at regulating requirement ng transmission grid.
Sinabi din ng grid operator na mayroong 19 power plants ang nagpatupad ng forced outage habang 1 naman ang nasa derated capacity kung saan nasa 1,891.3MW ang hindi available ngayon sa Luzon rid.
Samantala, inanunsiyo din ng NGCP na ang Visayas grid ay ilalagay sa yellow alert mula kaninang 1pm hanggang 9pm dahil ang available capacity nito ay nasa 2,662MW na lamang kumpara sa peak demand na 2,465MW.
Sa kasalukuyan, kinakalap na ng ERC ang mga impormasyon mula sa iba’t ibang mga planta gayundin mula sa NGCP.
Sa oras na matapos ang initial investigation saka aniya sila magpapasya kung mayroong basehan para maglunsad ng pormal na imbestigasyon para matukoy ang pananagutan at magpataw ng kaukulang penalty.