Imumungkahi ng Philippine Sports Commission (PSC) ang pagsasagawang muli ng ilang mga sports activities sa oras na isailalim na sa General Community Quarantine (GCQ) ang National Capital Region at maging sa iba pang mga lugar.
Ayon kay PSC chairman William “Butch” Ramirez, hindi naman daw kasi maaaring ituring ang personal outdoor activities na mass gathering sa sports na kasama sa mga ipinagbabawal ng Inter-Agency Task Force sa kapwa GCQ at Enhanced Community Quarantine areas.
Ilan aniya sa mga sports na kanyang iaapela ang athletics, table tennis, golf, sailing, skateboarding, taichi, kung-fu, poomsae taekwondo, running, hiking, horseback riding, at badminton singles.
Paliwanag pa ng sports official, wala naman daw problema sa naturang mga sports basta’t nasusunod ang physical distancing at iba pang mga panuntunan mula sa Department of Health.
Iginiit ni Ramirez ang pangaingailangan ng tao na mapanatili ang pagsasagawa ng physical activities upang palakasin ang kanilang immune system at makaiwas na rin na madapuan ng coronavirus.
“Sa guidelines, yes I will verbalize this one in our interview. This is not about sports competitions or a championship,” wika ni Ramirez. “These are outdoor activities. Sa ECQ, palagay ko if they consult us, we’ll suggest it.”
“It’s important that those who are making the decisions will consult the people who know the rules,” dagdag ng opisyal. “So I would like to be heard that these things cannot be stopped.”
Kamakailan nang nagpasya ang PSC na kanselahin ang lahat ng mga major activities sa ilalim ng kanilang pangangalaga at ilaan na lamang ang bahagi ng budget nito para sa pagtulong sa mga national athletes at coaches na apektado ng health crisis.