CAUAYAN CITY- Pansamantalang isinara ang ilang tanggapan sa Pamahalaang Lungsod ng Santiago matapos magpositibo sa COVID-19 ang ilang kawani.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Genaro Manalo, City Health Officer ng Santiago City, ibinahagi nito na agad na nagpatupad ng temporary closure sa ilang tanggapan ng pamahalaang lungsod matapos na mapag-alaman ang resulta ng swab test ng ilang empleyado ay nagpositibo.
Napag-alaman na umikot sa City Government Canteen ang isang nagpositibo sa COVID-19 na mula sa tanggapan ng Sangguniang Panglunsod Secretariat kaya isinailalim sa lockdown ang nasabing tanggapan habang nagsagawa naman ng swab test sa mga vendors.
Sarado rin ang City Human Resources Management Office (CHRMO) dahil sa pagpositibo ng isa pang kawani maliban pa ang pansamantalang pagsasara ng City Cooperative Office.
Inaasahang magbabalik operasyon ang mga nabanggit na tanggapan sa Lunes, February 11, 2021.
Sa Lunes ay aasahan din ang pagsasagawa ng panibagong swab test sa mga naitalang positibo.
Ayon kay Dr. Manalo, problema rin nila ngayon ang mga pastors na dumalo sa bible study kung saan nagpunta rin ang isa pang nagpositibo sa COVID-19 .
Aabot naman sa halos 50 katao ang sumailalim sa pagsusuri na nagmula sa mga nabanggit na tanggapan.
Kaugnay nito ay puspusan din ang pagsasagawa ng disinfection sa buong tanggapan ng Pamahalaang Lunsod ng Santiago.
Siniguro naman niya na walang dapat ikabahala ang publiko sa pagtungo sa tanggapan ng pamahalaang lunsod basta sumunod sa mga panuntunan at ingatan ang sarili.