Binisita ng ilang opisyales ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang lungsod ng Davao para sa Capacity Training Management Plan Formulation kasama ang Davao City Transport and Traffic Management Office (CTTMO).
Ayon kay Neomie Recio, director ng Traffic Engineering Center ng MMDA, layunin ng aktibidad na ito ang maiparating sa MMDA ang mga plano para matulungan ang problema sa trapiko sa lungsod.
Simula Pebrero 20 hanggang 25 ngayong taon, pangungunahan ng MMDA ang pagsubaybay sa daloy ng trapiko sa Davao City at bukod sa Capacity Building Discussion, kasama rin sa mga aktibidad ng MMDA at CTTMO ang pagsasagawa ng traffic count mula alas sais hanggang nuwebe ng umaga at mula alas kuwatro hanggang alas siyete ng gabi. Magsasagawa rin ang nasabing ahensya ng Road Inventory Survey gayundin ang inspeksyon sa mga traffic signal facility.
Umaasa ang mga opisyal na tutulungan ng MMDA ang CTTMO sa Davao para masolusyunan ang problema sa trapiko sa lungsod.
Sa kabilang banda, kabilang sa mga lugar na susuriin ang Quirino-C Bangoy, Panacan, Malagamot, Matina Crossing, Sandawa, Catalunan Grande, Maa (Carlos P Garcia) at Maa (McArthur), Quirino – San Pedro at Magallanes dahil ang mga lugar na ito ay kalimitang nakakaranas ng mabigat na daloy ng trapiko.